Minsan, Sa Buhay Ng Isang Guro… 5/5 (2)

Gusto ko lang ishare sa inyo ang isang lathalain na aking nabasa sa isang website. Sa pamamagitan ng google ay nakuha ang aking atensiyon ng MINSAN, SA BUHAY NG ISANG GURO na isinulat ni Amelyn Samonte. Ibabahagi ko ito sa inyo dahil maaring isa kayo sa katulad nyang guro sa isang pampublikong paaralan.

Dito nagsimula ang lahat…..

Tirik na tirik na ang araw nang ako ay bumaba ng taxi na aking sinakyan. Isang pulutong ng mga mag-aaral ang bumungad sa akin, samahan mo na rin ng usok na mula sa mga nagdadaanang ng kotse at ingay ng mga tambay sa gilid ng paaralan. Ako ay nag-alangan muna bago tuluyang nakipagsiksikan upang makapasok lamang sa loob ng gatena may bantay, na tila ay nakatulala lamang sa kawalan. Sa ilang taon ng paninilbihan niya, ang tungkulin niya bilang guard ay mukhang nakalimutan na niya.

Sampung minuto na lamang at magsisimula na ang klase. Marami nang mga bata sa loob ng silid, ngunit marami rin ang mga nasa pasilyo, naghihintay sa pagdating ng kanilang guro. Dahil sa kakulangan ng kwarto, napilitan silang mamalagi sa labas. Dahil dito, araw-araw na lamang ito nangyayari – ang pagsasapawan ng ingay sa loob at sa labas ng silid, walang nagpapatalo. Pinilit kong kunin ang atensyon ng aking mga estudyante, ngunit nagmukha lamang akong hangin na dumaan at lumipas. Walang nagbago hanggang sa pinalo ko na ang pisara sa kanilang harapan. Lahat sila ay nagsitinginan, nanahimik, natakot. Nang nakita kong lahat ay nakaharap na sa akin, ako ay ngumiti nang parang walang nangyari.

“Magsimula na tayo.”

Para sa unang asignatura, nagdikit ako ng mga kartolinang pinagpuyatan ko sa pisara. Magkakaiba sila ng kulay hindi dahil sa gusto kong magmukha itong maganda, kung hindi dahil sa wala na akong ibang kulay na magamit. At dahil na rin sa pagtitipid, pilit kong pinagkasya sa isang kartolina ang isang maikling kwento. Maliliit ang sulat, ngunit kayang pagtiyagaan. Batid ko na may mga nahirapang basahin ang nakasulat doon, ngunit wala naman akong magagawa. Kulang ang mga kagamitan para makapagturo nang maayos. Maski chalk nga ay wala. Kaming mga guro na rin ang nagdadala ng pambura at whiteboard markers, patunay na labas sa gastos ng paaralan ang ganitong maliliit na bagay.

Bago pa man matapos ang unang asignatura, nagbigay ako ng isang pagsusulit. At habang ang iba ay nagsasagot at ang iba ay nagkukwentuhan lamang, ako ay napatingin sa labas. Ang mga estudyante sa katabi naming pasilyo ay nandoon pa rin, at ang kanilang guro ay wala pa rin. Ako ay lumabas para sila ay patahimikin at sa kabutihang-palad, sila naman ay sumunod. At doon ko narinig ang halakhakan ng mga kasamahang kong guro sa kabilang dulo ng pasilyo. Aking napagtanto na ang dalawa sa kanila ay hindi nagtuturo, at ang isa naman ay may klaseng hawak – ang mga batang nasa labas ng aming silid. Masaya silang nagkukwentuhan, tila’y mga walang pakialam sa kung anong nasa paligid nila. Tawa dito, tawa diyan. Pabirong hampas dito, pabirong pagganti diyan. Ako’y napabuntong-hininga at muling napatingin sa mga batang pinabayaan ng kanilang guro.

“Gusto niyo bang magklase?”




Tulad ng dati, hindi na naman nasunod ang schedule ng klase. Mukhang nahirapan ang mga bata sa pagsusulit na aking binigay, kaya hindi naiwasang magsimula nang huli sa oras ang ikalawang asignatura. Ngunit, hindi tulad ng mga nakaraang araw, naging siksikan sa loob ng silid. Mahirap pagkasyahin ang mahigit 40 mga bata sa loob ng isang kwarto, mas lalo na ang 70. At dahil sa halos dumoble ang bilang ng mga estudyante sa loob ng silid, dumoble rin ang ingay at ang bilang ng pagpalo ko sa pisara para lamang makuha ang atensyon nila. Mahirap magturo ng klaseng may 40 mga bata, lalo na kung sila’y 70 na.

Dumating na ang tray at ang karamihan ang nagsitayuan para bumili ng makakain. Ang iba’y may baon ngunit bumili pa rin, at ang iba’y walang baon at wala ring pambili. Agad naubos ang mga paninda sa tray at nagsimula nang bilangin ng tagabenta ang pera. Muli na namang umingay ang klase, ngunit hinayaan ko na lang. Kung sila ay may sariling mundo, ako din ay mayroon. Sa aking mesa ay nakatambad ang iba’t-ibang mga papel na aking dapat sagutan. May tungkol sa attendance ng mga bata, maroon ding tungkol sa buwanang pag-unlad at pagkatuto ng klase. Halos nakakaumay na nga ang paulit-ulit na pagsusulat ng pangalan ng mga bata sa mga papel na ito. Hindi madaling tapusin ang mga ito dahil hindi ito bara-barang sinasagutan. Gustuhin ko man, ngunit hindi pupuwede. At habang ako’y nanliliit sa dami ng mga gawaing naghihintay sa akin, isang estudyante ang lumapit at nagsalita.

“Ma’am, kulang po ‘yung benta.”

“Sige. Ako na ang bahala.”

Kahit hindi umabot ang klase sa huling asignatura, napilitan akong pauwiin ang mga bata dahil oras na ng uwian. Agad nagsilabasan ang mga bata at ang tanging natira ay ang mga maglilinis. Ang iba’y nagsimula nang mag-ayos ng mga upuan at ang iba’y nagbura ng pisara. Maraming kalat sa sahig na siyang pinulot ng mga bata, at ang tanging naiwan ay ang mga alikabok na naipon mula pa nung nakaraang araw.

“Walisin niyo na yan,” ang sabi ko.

“Ma’am, wala pong walis,” sagot ng isang bata.

“Manghiram ka muna sa kabilang klase.”




Lumubog na ang araw at halos wala nang tao sa loob ng paaralan. Pagkatapos ng ilang mga gawain, ako’y nagpasya nang umalis at sa loob ng taxi ako’y napaisip. Anong kailangan kong bilhin para sa pagtuturo ko bukas? Mag-e-eksperimento ba ang klase bukas o sa susunod na lamang? Magbibigay ba ulit ako ng gawaing kanilang sasagutan? Lahat iyon ay aking tinanong sa aking sarili, ngunit lahat ng iyon ay hindi ko alam kung papaano sagutin. Isa lamang ang alam ko, at iyon ay mahirap magturo, maliit man o malaki ang klaseng hawak mo. Maraming dapat isakripisyo – pera, oras, lakas – upang maging epiktibo ang isang guro sa kanyang pagtuturo. Sa guro nakasalalay ang mga bagay na matututunan ng isang bata, at sa mga natutunan niya nakasalalay ang kaniyang kinabukasan. Sa madaling salita, sa guro nakasalalay ang bukas ng isang mag-aaral.

Ngunit hindi lamang sa kakayahan ng guro na magturo nasusukat ang bisa nito sa pagkatuto ng mga estudyante niya. Mahalaga rin na kumpleto ang mga kagamitan sa paaralan, maski chalk pa iyan. Kailangan rin ng magandang kapaligiran, iyong tipong gaganahan ang isang bata na mag-aral at magpursigi. Bilang isang guro, dapat alam niya kung anong kahinaan ng isang estudyante at obligasyon niyang punan ito. Bilang isang guro, dapat sinusuportahan niya ang kaniyang mga tinuturuan sa kung anong gusto nilang makamit sa buhay. Bilang guro, tungkulin niyang ibahagi sa kanila ang kaniyang mga kaalaman gamit ang mga bagay na matatagpuan sa kaniyang paligid. At bilang guro, dapat ay alam nila lahat ng ito.

“Ma’am, nandito na po tayo,” paalala ng driver ng taxi na lagi kong sinasakyan.

Ako’y ngumiti at nag-abot ng bayad. “Salamat, manong.” At bago pa man ako makababa, narinig ko ang mga pahabol salita ng driver.

“Bukas ulit.”

Please rate this

Comments

comments

Michael Montuya

Michael Montuya

A Public School Teacher who loves to make some IT Stuff such as blog that can help to provide information to all teachers around the Globe.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *